Friday, March 18, 2016

Nang Malimutan Managinip ni Panaginip


Nang Malimutan Managinip ni Panaginip



Para sa’yong nagpakilala sa’kin sa mga bilabila,
Kung nakakapagsalita ang mga pader ng ‘yong kwarto
Kung mahimlay ka’y bitiwan man ng kama
Sa pagod nang ‘yong pinaulit ulit na tanong
Hindi ako magsasawa

Dalawampung libo’t labing dalawa
Dalawampung libo’t labing isa
Tuwing kausap ka, bumabalik ako sa mga taong pinilit limutin ng alaala

Sa pagkakataong tanungin mo kumusta ako
Sasagutin kitang mabuti sa biyaya ng Diyos
Kung matapos ang ilang minuto’t tanungin mo ulit kumusta ako
‘Wag kang mag-alala
Hindi ko pagsasawaang sagutin kang mabuting mabuti sa awa ng Diyos

Kung tanungin mo man kung ilang taon ako, sasagutin kita nang matapat
Sa saglit na pagkakataong malimutan mong tinanong mo ‘ko
‘Wag kang mag-alala
Babalik rin ako sa kung paano mo naaalalang ako’y labing apat

Kung tatango ka ngayon at hihindi mamaya
Kung nagagalak ka ngayon at maluluha mamaya
‘Wag kang mag-alala
Hindi ako magsasawang ulit ulitin mga tawa’t iyak na iilang minuto ko lang ginawa

Kung puro sakit ang natatandaan mo sa tayo
Masakit mang ang nakaraang taon ang pinili ni panaginip na alisin sa’yong kasalukuyan
‘Wag kang mag-alala
Dahil hindi ko gustong magsawa ikwento sa’yo
Paulit-ulit man
Na naging masaya ang tayo na ‘yong iniwan

 Hindi pala ikaw ang nang-iwan
Ikaw ang iniwan ng bago mong alaala

Ngunit ‘wag kang mag-alala
Mamahalin pa rin kita higit pa sa kung paano ka minahal ng pinto ng ospital
Na araw gabi’y sa’yo nakadungaw
‘Wag kang mag-alala
Huhulma tayo ng mga bagong alaala
kailanman ay di na maaangkin pa
O kaya’y ako rin ay pipikit at mananaginip
Kikitain ka sa kasalukuyang inangkin ni panaginip

Sige, aaminin ko sa’yo ang totoo:
May mga sandaling naisip kong sana’y ikaw pa rin ang dating ikaw
at tayo pa rin ang dating tayo
Ngunit kung malabo man sa malabo
at isip man ay nakalimot
‘Wag kang mag-alala
Tandaan mong puso’y di nilulumot

Ngayon mo lang sinabi,
Mga paruparo pala ang mga bilabila


01/23/16





1 comment:

  1. Awww! Tito and Tita? Huhu! <3 Denielle, I am a fan tonight. #lodi

    ReplyDelete