Nang Malimutan Managinip ni Panaginip
Para sa’yong nagpakilala sa’kin
sa mga bilabila,
Kung nakakapagsalita ang mga
pader ng ‘yong kwarto
Kung mahimlay ka’y bitiwan man
ng kama
Sa pagod nang ‘yong pinaulit
ulit na tanong
Hindi ako magsasawa
Dalawampung libo’t labing dalawa
Dalawampung libo’t labing isa
Tuwing kausap ka, bumabalik ako
sa mga taong pinilit limutin ng alaala
Sa pagkakataong tanungin mo
kumusta ako
Sasagutin kitang mabuti sa
biyaya ng Diyos
Kung matapos ang ilang minuto’t
tanungin mo ulit kumusta ako
‘Wag kang mag-alala
Hindi ko pagsasawaang sagutin
kang mabuting mabuti sa awa ng Diyos
Kung tanungin mo man kung ilang
taon ako, sasagutin kita nang matapat
Sa saglit na pagkakataong
malimutan mong tinanong mo ‘ko
‘Wag kang mag-alala
Babalik rin ako sa kung paano mo
naaalalang ako’y labing apat
Kung tatango ka ngayon at
hihindi mamaya
Kung nagagalak ka ngayon at
maluluha mamaya
‘Wag kang mag-alala
Hindi ako magsasawang ulit
ulitin mga tawa’t iyak na iilang minuto ko lang ginawa
Kung puro sakit ang natatandaan
mo sa tayo
Masakit mang ang nakaraang taon
ang pinili ni panaginip na alisin sa’yong kasalukuyan
‘Wag kang mag-alala
Dahil hindi ko gustong magsawa
ikwento sa’yo
Paulit-ulit man
Na naging masaya ang tayo na
‘yong iniwan
Hindi pala ikaw ang
nang-iwan
Ikaw ang iniwan ng bago mong
alaala
Ngunit ‘wag kang mag-alala
Mamahalin pa rin kita higit pa
sa kung paano ka minahal ng pinto ng ospital
Na araw gabi’y sa’yo nakadungaw
‘Wag kang mag-alala
Huhulma tayo ng mga bagong
alaala
kailanman ay di na maaangkin pa
O kaya’y ako rin ay pipikit at
mananaginip
Kikitain ka sa kasalukuyang
inangkin ni panaginip
Sige, aaminin ko sa’yo ang
totoo:
May mga sandaling naisip kong
sana’y ikaw pa rin ang dating ikaw
at tayo pa rin ang dating tayo
Ngunit kung malabo man sa malabo
at isip man ay nakalimot
‘Wag kang mag-alala
Tandaan mong puso’y di nilulumot
Ngayon mo lang sinabi,
Mga paruparo pala ang mga
bilabila
